Arraignment sa Sandiganbayan… GMA ‘not guilty’
MANILA, Philippines - Ang Sandiganbayan na mismo ang naghain ng not guilty plea para sa dating Pangulo na ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo (CGMA) sa arraignment kahapon kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder hinggil sa maanomalya umanong paggastos sa P366 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
May karapatan ang graft court na sila mismo ang magpasok ng plea sa sinumang respondent na ayaw magbigay ng tugon sa mga alegasyon tulad ng ginawa ni CGMA na naging tikom ang bibig kaugnay ng kaso.
Kaugnay nito, itinakda ng Sandiganbayan sa December 3 ang preliminary conference sa kaso ng dating pangulo.
Si Mrs. Arroyo ay nagtungo sa Sandiganbayan kasama ang asawang si dating first gentleman Miguel Arroyo, anak na sina Luli, Dato at Mikey Arroyo.
Bago ito, maagang nagtipun-tipon sa harapan ng gusali ng Sandiganbayan ang mga pro at anti-protesters ni CGMA.
Samantala, pumalpak ang Korte Suprema sa pagbibigay ng interpretasyon hinggil sa inilabas na Temporary Restraining Order (TRO), may kaugnayan sa kasong plunder na kinasasangkutan ni dating pangulong Arroyo.
Ito ay matapos na magpalabas ng paglilinaw si Atty. Gleo Guerra, tagapagsalita ng Supreme Court, na nagsasabing hindi kabilang si CGMA sa October 24, 2012 TRO na inilabas ng SC.
Sinabi ni Guerra, ang TRO ay para lamang kay dating COA region 5 head Nilda Plaras na kasama rin sa mga isinasangkot sa plunder kaugnay ng maling paggamit sa intel fund ng PCSO.
Kahapon ng umaga, una nang nagpadala ng mensahe si Guerra sa mga mamamahayag kung saan sinabi nito na kasama si CGMA sa mga nakinabang sa inilabas na TRO kaugnay sa petisyon ni Plaras ngunit binawi rin ito pagsapit ng hapon.
- Latest