Mumurahing alahas nakakalason
MANILA, Philippines - Huwag bumili ng mga mumurahing hikaw, kuwintas, bracelet, singsing at iba pa dahil ito ay nakalalason at nakamamatay.
Babala ito ng EcoWaste Coalition matapos lumabas sa pagsusuri na ang mga mumurahing alahas ay may sangkap na nakalalasong kemikal na maaaring makapinsala ng utak ng isang tao o di kaya’y maging dahilan ng kamatayan.
Nabatid kay Aileen Lucero ng Project Protect ng EcoWaste, ilan lamang ito sa kanilang binili sa isang tindahan sa Makati at Quezon at isinailalim sa pagsusuri gamit ang isang X-ray fluorescence (XRF) spectrometer at natuklasang 14 sa 17 murang alahas ay nagtataglay ng mataas na antas ng cadmium at lead.
Ipinaliwanag ni Lucero na ang mga alahas na maraming sangkap na cadmium at lead ay nakalalason, lalo na sa mga bata na sa kainosentehan ay maaaring paglaruan ang mga ito, isubo, nguyain at mailulon, sanhi upang humalo ang mga naturang heavy metal sa kanilang dugo.
Ayon umano sa World Health Organization (WHO), ang cadmium at lead ay potent neurotoxins, o brain at nerve poisons, at kabilang sa 10 uri ng kemikal na “major public health concern.”
Ang pagkalantad kahit sa mababang antas ng lead ay maaring maging sanhi ng brain at nervous system damage, behavioural problems, learning difficulties, delayed growth, hearing loss at pananakit ng ulo habang ang acute lead poisoning naman umano sa mga bata ay maaaring maging sanhi ng seizure, coma at pagkamatay.
- Latest