10 Navy men inabswelto sa Pestaño murder case
MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Sandiganbayan ang kasong pagpatay na naisampa ng Ombudsman laban sa ilang tauhan ng Philippine Navy hinggil sa pagkamatay ni Ensign Philip Pestaño noong 1995.
Sa 13-pahinang desisyon ng Sandiganbayan 3rd Division, pinawawalang sala nito ang 10 akusado sa kaso na sina Naval Captain Ricardo Ordoñez, Cdr. Reynaldo Lopez, HM2 Welmenio Aquino, LCdr. Luidegar Casis, LCdr. Alfrederick Alba, MR2 Sandy Miranda, LCdr. Joselito Colico at LCdr. Ruben Roque gayundin sina Petty Officer 1st Class Carlito Amoroso at Petty Officer 2nd Class Mil Leonor Igcasan matapos ihayag nitong walang hurisdiksyon ang Sandiganbayan na hawakan ang naturang kaso kayat pinaboran ang motion to quash na naiharap ng mga akusado sa graft court.
Sinasabi ng mga akusado na malinaw sa batas na hindi maaaring dinggin ng Sandiganbayan ang mga kaso laban sa mga opisyal na may ranggong mas mababa sa kapitan.
Nang mangyari ang pagpaslang, mababa sa kapitan ang ranggo ng lahat ng akusado kaya dapat anila itong isampa sa mas mababang hukuman.
Si Ordoñez ang pinakamataas sa mga isinasangkot na Navy officers nang mangyari ang sinasabing pagpaslang, pero lieutenant commander pa lang ang ranggo nito noon na dalawang pwestong mas mababa sa kapitan at karamihan pa sa mga akusado ay dati nang tauhan ng Philippine Navy.
Kaugnay nito, binawi na rin ang hold departure order (HDO) laban sa mga akusado dahil moot and academic na rin ang mga mosyon sa Sandiganbayan.
- Latest