MANILA, Philippines - Tama lamang ang ginawa ng Commission on Elections (Comelec) sa pagdiskuwalipika sa mga bogus na partylist.
Ayon kay Lingayen, Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, nasa tamang direksiyon ang Comelec sa ginawang pagbasura sa mga petition ng ilang nagpapakilalang kinatawan ng napapabayaang sector.
Iginiit ng arsobispo na ibinabalik lamang ng Comelec ang tunay na kahulugan ng party-list na dapat ay marginalized sector ang kinakatawan at hindi ang interes ng iilan.
Naniniwala rin si Archbishop Cruz na maraming bogus partylists ang nahalal sa kapanahunan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na dapat ay hindi na payagang makalahok sa 2013 midterm polls.
Nabatid rin kay Cruz na patuloy ang kanyang pagtunton sa mga partylist group na pinopondohan ng mga gambling lord at sa sandaling makumpleto niya ang mga dokumento at ebidensiya ay kanyang isusumite kay Comelec Chairman Sixto Brillantes.