Kudeta vs Enrile niluluto na
MANILA, Philippines - Niluluto na raw ng Malacañang at Liberal Party (LP) ang pagpapatalsik kay Senate President Juan Ponce Enrile.
Ayon sa source, 19 na senador umano ang dumalo sa inihandog na dinner ni Pangulong Aquino kamakalawa ng gabi sa Palasyo.
Kabilang sa mga dumalo sa dinner ang mga senador na bumoto para mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona noong impeachment trial na kinabibilangan nina Sens. TG Guingona, Franklin Drilon, Antonio Trillanes, Jinggoy Estrada, Chiz Escudero, Ralph Recto, Kiko Pangilinan at Tito Sotto. Wala naman sa bansa si Sen. Koko Pimentel.
Hindi naman inimbita sina Sen. Miriam Defensor-Santiago, Joker Arroyo at Bongbong Marcos.
Itinanggi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na may nilulutong ‘kudeta’ ang Palasyo at LP laban kay Sen. Enrile.
Napag-alaman pa sa source, may hawak na umanong resolusyon ang grupo ni Sen. Drilon upang mapatalsik sa poder si Enrile.
Lalong umugong ang kudeta sa Senado ng mismong si Senate Majority Leader Sotto ay nagsabing handa na raw siyang magbitiw bilang majority leader dahil umano sa sobrang stress sa trabaho.
Una ng sinabi ng isang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan na may sapat na bilang na ang mga senador na posibleng magsama-sama para patalsikin sa puwesto si Enrile subalit wala namang gustong mamuno.
Ayon pa sa source, kung kukuwentahin ay tatlo lamang talaga ang “followers” ni Enrile sa Senado na kinabibilangan umano nina Sottto, Estrada at Honasan.
Itinanggi naman ni Drilon na nais niyang palitan sa posisyon si Enrile.
Inamin ni Drilon na nagkaroon ng dinner ang ilang senador kasama si Pangulong Aquino pero wala umanong pinag-usapang legislative agenda at isa lamang itong social dinner.
Ito na aniya ang ika-6 o ika-7 beses sa loob ng 12 buwan na napaulat na magkakaroon ng kudeta sa Senado.
- Latest
- Trending