Pinay ni-rape, sinaksak ng Kuwaiti police
MANILA, Philippines - Isang 27-anyos na Pinay ang umano’y dinukot, ginahasa at pinagsasaksak ng isang Kuwaiti police.
Sa ulat ni Migrante-Middle East regional coordinator John Leonard Monterona, ang biktimang OFW na itinago sa pangalang Marissa, tubong T’Boli, South Cotabato ay na-confine sa Mubarak Al Kabeer Hospital.
Kasama umano ni Marissa ang isang kaibigan sa loob ng taxi noong Oktubre 1 ng madaling-araw nang harangin sila ng isang police car lulan ang suspect at sinabing kukunin niya ang biktima at dadalhin sa police station sa South Surra dahil sa na-expire nitong residence visa.
Gayunman, imbes na sa istasyon ng pulisya dalhin ay sa isang madilim at disyertong lugar dinala ang Pinay saka dito siya dalawang beses na hinalay.
Matapos nito ay pinagsaksak ng suspek ang Pinay sa leeg at iba’t ibang parte ng kanyang katawan at pinagtatadyakan.
Dahil hindi na gumagalaw ang Pinay ay iniwan ito ng suspek sa pag-aakalang patay na.
- Latest
- Trending





















