Bata-bata system sa PNP, tutuldukan ni Roxas
MANILA, Philippines - Tapos na ang maliligayang araw ng bata-bata at palakasan system o ang kontrobersyal na paggamit ng padrino para sa promosyon ng mga opisyal sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang inihayag kahapon ni Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas sa kaniyang kauna-unahang araw sa pagbisita sa Camp Crame kung saan nagsilbi itong panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-111 anibersaryo ng Police Service.
“Tapos na ang araw ng mga padrino. Tapos na ang araw ng palakasan at pagpapogi at the expense of the institution and of others. Ang inyong promotion ay susukatin batay sa inyong performance, sa inyong disiplina, dedikasyon sa tungkulin at katapatan sa bandila”, pahayag ni Roxas sa kaniyang talumpati bilang bagong kalihim ng Interior and Local Government.
Binigyang diin ni Roxas na kung mapo-promote man ang mga pulis ay kailangang pagtrabahuhan at pagsumikapan nito.
Sinabi ni Roxas na sa ilalim ng kaniyang liderato bilang Chairman ng NAPOLCOM at kalihim ng DILG na may direktang superbisyon at kontrol sa PNP ay titiyakin niyang mabubura at hindi na iiral pa ang maling sistema ng bata-bata system.
Idinagdag pa ni Roxas na sisikapin niyang sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay maibalik ang tiwala at respeto ng taumbayan sa PNP.
- Latest
- Trending