MANILA, Philippines - Tuloy na ang implementasyon ngayong araw, ng Republic Act 10175 o ang kontrobersiyal na Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ito’y matapos na mabigo ang mga mahistrado ng Korte Suprema na tugunin o aksiyunan ang mga petition na naglalayong mapigilan ang RA 10175 dahil sa itinuturing na labag sa batas.
Sa katatapos na en banc session ng Supreme Court noong Oktubre 2, 2012, ipinagpaliban ang deliberasyon laban sa tinututulang batas dahil sa kawalan ng ibang mahistrado.
Dahil dito, itinakda muli ang pagresolba ng mga justice sa nabanggit na usapin sa Oktubre 9, 2012.
Nabatid na sina Associate Justices Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Mariano del Castillo ay nasa official business sa ibang bansa. Dalawa namang mahistrado ang absent.
Sa record, pito ang petition mula sa iba’t ibang organisasyon na idinulog sa SC laban sa RA 10175 dahil sa pagiging labag ng iba’t ibang probisyon sa 1987 Constitution gaya ng probisyon sa freedom of speech, equal protection of the law, right to privacy, illegal searches and seizures at ang double jeopardy clause.
Bunsod nito, sinabi naman ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na hindi na maamyendahan ang nasabing batas dahil sa kakapusan na ng panahon lalo na at malapit na ang 2013 midterm elections.
Dahil dito kayat mahihirapan na silang makakuha pa ng quorum sa Kamara dahil abala na sa kani-kanilang distrito ang mga kongresista.
Bukod dito, mas maraming importanteng batas pa ang nakabinbin ngayon sa Kamara na dapat din unahing talakayin at aprubahan. (May ulat ni Gemma Garcia)