MANILA, Philippines - Nanatiling tahimik at mapayapa umano ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
“Tahimik ang sitwasyon dito (Kalayaan Island Chain). Wala kaming namo-monitor na anumang umaangking bansa na tutukoy kung may pagsalakay na mangyayari para palawakin ang kanilang pag-aangkin,” ayon kay Western Command chief Lt. Gen. Juancho Sabban.
Gayunman, sinabi ni Sabban na ang unit ng Chinese, sa bahagi ng inaangkin ng China, ay nagtayo ng panibagong satellite disc at dalawang beams kung saan isang platform ang nakaumang.
Pero maliit lamang umano ang ganitong aksyon at madalas ang monitoring na ginagawa sa sitwasyon sa Western.
Dadag ni Sabban, ang Pilipinas ay nangako sa pagpapatuloy ng pag-angkin sa mapayapang paraan.
Tutulungan din anya nila sa pagtransport ng mga sibilyan na nagnanais na manirahan sa Kalayaan sa mga susunod na buwan.
Nauna nang sinabi ng Chinese authorities na minamadali na nila ang konstruksyon ng Sansha, isang bagong tayong siyudad sa pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea.
Ang plano para sa apat na infrastructure projects ay nagpapatuloy at ang mga Chinese na nasa lugar ay nagsisimula na ng kanilang programa sa pabahay.
Kabilang sa infrastructure projects ay ang paggawa ng kalsada, suplay ng tubig at drainage sa Yongxing Island.
Ang Spratly Islands at iba pang isla sa West Philippine Sea ay kasama sa pinagtatalunang teritoryo ng Pilipinas, China, Vietnam, Taiwan, Malaysia at Brunei.