MANILA, Philippines - Sasakay sa “jeep ni Erap” ang mga kandidato sa pagka-senador ng United Nationalist Alliance o UNA sa gagawin nilang paghahain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) sa Lunes.
Ayon kay Sen. Gregorio Honasan, mismong si dating Pangulong Joseph Estrada ang magmamaneho sa kanila patungong Comelec.
Magtitipon-tipon sila sa Manila Hotel bandang alas-11 ng umaga pagkatapos ay sasakay sa Jeep ni Erap patungong Comelec bandang ala-1 ng hapon.
Nagbibiro pang sinabi ni Honasan na kung si Erap ang kanilang driver, hindi niya alam kung aaktong konduktor naman si Senate President Juan Ponce Enrile o si Vice President Jejomar Binay.
Dahil UNA umano ang kanilang coalition, itataon nila sa unang araw ng filing ng COC ang pagpa-file ng kanilang kandidatura.
Inihayag naman ni Sen. Chiz Escudero na mag-isa lamang siyang maghahain ng kaniyang kandidatura sa Oktubre 2.
Hindi na umano niya kailangan ng anumang gimik sa paghahain ng kaniyang COC.
Samantala, nabigong makumbinsi ni Pangulong Aquino si Sen. Loren Legarda na maging pang-12 kandidato ng Liberal Party sa 2013 senatorial race.
Sinabi ng impormante, walang solidong ‘oo’ ang naging sagot ni Legarda sa Pangulo sa alok nito na tumakbo bilang guest candidate. Nakasagot na raw si Legarda sa UNA nina Estrada at Binay.
Napag-alaman na isa na lamang ang hinahanap ng administrasyon upang mabuo ang kanilang senatorial ticket.