PNP nakikipag-ugnayan sa ASEAN vs Reyes bros.
MANILA, Philippines - Nakikipag-ugnayan na ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa counterparts nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay ng pagtugis sa magkapatid na Reyes, ang dalawa sa tinaguring “Big 5” o limang high profile fugitives ng bansa.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao, patuloy ang kanilang pagtugis laban sa Big 5 na kinabibilangan nina dating Palawan Gov. Joel Reyes, kapatid nitong si Coron Mayor Mario Reyes, ret.Army Maj. Gen. Jovito Palparan, Dinagat Rep. Ruben Ecleo at Globe Asiatique Chairman Delfin Lee.
”There are efforts to monitor their whereabouts in collaboration with our counterparts from the ASEAN countries,” ayon pa sa opisyal kaugnay ng pagpuslit patungong Vietnam ng magkapatid na Reyes na gumamit umano ng pekeng passport.
Ang mag-utol na Reyes ang itinuturong mastermind sa pamamaslang sa brodkaster at environmentalist activist na si Gerardo “Doc Gerry” Ortega noong Enero 2011 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Tumanggi muna si Pagdilao na tukuyin ang pagsusumikap ng kanilang mga operatiba na madakip ang iba pang Big 5 na nasa bansa.
Si Palparan ay tinutugis ng batas kaugnay ng umano’y misteryosong pagkawala ng dalawang UP student na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno noong 2006, habang si Ecleo ay sa pagpatay sa misis nitong si Elena Bacolod may 10 taon na ang nakalilipas at si Lee ay wanted naman sa P7 bilyong housing at condominium scam.
- Latest
- Trending