Legarda sa UNA tatakbo
MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Sen. Loren Legarda na tatakbo ito sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at tinanggap na rin niya ang imbitasyon na maging guest candidate ng United Nationalist Alliance (UNA) para sa 2013 Elections.
“Ang partido ko po ay NPC, ang aking partido simula pa noong 2007, at ako po ay lubos na nagpapasalamat sa pamunuan ng NPC sa patuloy nilang pagsuporta sa akin,” sabi ni Legarda.
Inihayag din ni Legarda na sina Vice President Binay, dating Pangulong Estrada, at Senate President Enrile ang nag-imbita sa kanya upang maging guest candidate ng UNA.
“Noon pa man ay kasama ko na sila - kasama ko sila noong 2004 sa Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) bilang Vice Presidential candidate ni FPJ at noong 2007 sa United Opposition (UNO),” paliwanag ni Legarda.
Samantala, nilinaw din ng NPC na suportado nila ang kandidatura ni Legarda na tatakbo bilang guest candidate ng UNA.
Sinabi ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian, spokesman ng NPC, patuloy ang suporta nila kay Legarda at tiwalang mananalo ito sa darating na senatorial race.
Nilinaw din ni Rep. Gatchalian na umaasa silang hindi maaapektuhan ang pagiging guest candidate ni Loren sa UNA sa ginagawang coalition talks ng NPC at Liberal Party.
Umaasa din si Gatchalian na aampunin pa rin bilang common candidate ng LP Coalition sina Legarda at Cagayan Rep. Jackie Enrile.
- Latest
- Trending