MANILA, Philippines - Ginisa kahapon sa Senado ang nasibak sa puwestong si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Deputy Director General Carlos Gadapan na nag-akusang napag-initan lang siya kaya natanggal sa puwesto.
Nakaharap pa ni Gadapan sa hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Gregorio Honasan ang nakairingan niyang si PDEA chief Director General Jose Gutierrez.
Kinuwestiyon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago si Gadapan kung bakit nagrereklamo ito sa pagsibak sa kaniya gayong isa lamang itong presidential appointee.
“Nagalit ka lang talaga dahil tinanggal ka. Ngayon nakakabigla ‘yan dahil pag tinanggal ang tao hindi siya dapat magrereklamo kung siya ay presidential appointee because we all who have been presidential appointees realize fully that you were serving at the pleasure of the President,” sabi ni Santiago kay Gadapan.
Inihayag naman ni Gutierrez na tinanggal sa pwesto si Gadapan dahil itinuturing itong security risk sa PDEA.
Ayon kay Gutierrez, lumalabas umano ang impormasyon tungkol sa operasyon ng PDEA laban sa mga sindikato ng droga.
“Gadapan provided secret intelligence information...his disclosure made him a security risk,” pahayag ni Gutierrez.
Pinuna naman ni Santiago kung bakit kinaladkad ni Gadapan sa isyu ang misis ni Gutierrez na inakusahan nitong lulong sa casino at baon sa utang.
Naniniwala si Santiago na pribadong buhay na ng misis ni Gutierrez ang ibinilad ni Gadapan sa media at dapat magpakita ito ng ebidensiya na pera ng PDEA ang ginamit umano sa pagsusugal.
Matatandaan na sa kabila ng akusasyon ni Gadapan sa misis ni Gutierrez, ito pa ang nakitang nagka-casino.
Ayon kay Gadapan, nagpupunta lamang siya sa casino mga dalawang beses sa isang buwan upang kausapin ang kaniyang mga informants tungkol sa mga gumagamit ng drug money sa sugal. Pero hindi ito pinaniwalaan ni Santiago dahil maari naman umanong makipag-usap si Gadapan sa ibang lugar at hindi sa casino.
Naniniwala rin ang ilang senador na dumalo sa pagdinig na may batayan ang pagkakasibak ni Gadapan sa puwesto.