MANILA, Philippines - Isinuko na ng liderato ng Kamara ang pagsusulong sa Charter Change (Cha-cha).
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, hanggang ngayon ay wala pa ring isinusumiteng anumang rekomendasyon ang gabinete kaya mahirap ng ituloy pa ang Cha-cha.
Inamin naman ni House Majority leader Neptali Gonzales II na wala ng panahon para sa Cha-cha dahil Oktubre 1-5 na ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa 2013, kasama na dito ang maraming re-eleksiyunistang kongresista.
Naniniwala naman sina Belmonte at Gonzales na nasa 16th Congress na ang bola ng Cha-cha kung itutuloy pa ito.
Nanghihinayang naman si Gonzales dahil sigurado umano na mas malabo na ang Cha-cha sa susunod na kongreso dahil mapapaghinalaan itong gagamitin para sa term extension bunsod na rin sa masyadong dikit sa 2016 elections.
Ikinakasa ng mga Senador at Kongresista ang Cha-cha upang baguhin ang probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas.