MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagtataas ng buwis at pagpapatupad ng mga polisiyang kokontrol sa industriya ng tabako, talamak pa rin umano ang pagpupuslit ng sigarilyo tulad na lamang sa bansang Thailand.
Sinabi ni Elvis Campos ng Mamamayan Kilos: Alab ng Maralita, base umano sa datos sa pag-aaral noong 2011 ng Pirudee Pavananunt, isang facility sa Mahidol University sa Bangkok, Thailand, 10 porsiyento ng sigarilyong nagagamit sa Thailand (242 milyon kada pakete bawat taon) sa pagitan ng 2004-2006 ay illegal.
Dahil dito kayat nawalan umano ng koleksyon ang gobyerno nila ng 4,508 Milyon Baht.
Isa umano ang Thailand sa matagumpay na modelo pagdating sa pagkontrol sa polisiya ng tabako kung ang pag-uusapan ay ang pangamba sa smuggling at pagkalugi sa koleksyon.
Dahil dito kaya binatikos ni Campos si Dr. Prakit Vathesatogkit, isang Thai tobacco control advocate na kasalukuyang nasa Pilipinas dahil umano sa “one-sided picture ng sitwasyon ng tabako sa bansa.
Si Dr. Prakit ang nag-endorso sa Kongreso na taasan ang buwis ng sigarilyo sa Pilipinas upang tumaas ang koleksyon ng gobyerno at mapigilan ang mga naninigarilyo na tumigil sa bisyo katulad umano ng naging karanasan sa Thailand.
Maging ang magsasaka ay tutol sa umano’y “undemocratic” at “one-sided” na pahayag ng dayuhan.
Ayon naman kay Administrator Edgardo Zaragoza ng National Tobacco Administration sa kaniyang ulat, ang mga magsasaka ng tabako ay nakapagbigay ng P34 bilyong buwis sa gobyerno.