MANILA, Philippines - Hindi dapat na maging basehan ang pambubugbog para mapawalang bisa o ma-nullify ang isang kasal.
Ito ang nilinaw ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz at kasalukuyang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines National Appellate Matrimonial Tribunal Judicial Vicar hinggil sa kaso ng mag-asawang Analiza at Reynold Marzan na inaakusahang nagmaltrato at nanakit sa kanilang 21-taong gulang na kasambahay na si Bonita Baran.
Lumabas sa pagsisiyasat na naging “battered wife” si Analiza ng mister kaya nito ibinunton ang galit sa kanilang kasambahay.
Paliwanag pa ng arsobispo na maaari lamang maging ground ng declaration of nullity ang pambubugbog kapag napatunayang may kakulangan o kalabisan ang pag-iisip ng nambubugbog.
Ang pambubugbog aniya ay maaaring ground lamang sa separation o paghihiwalay ng mag-asawa at hindi ang pagpapawalang bisa ng kanilang kasal.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Archbishop Cruz ang Senado sa panukalang “Kasambahay Bill” na magbibigay ng proteksyon at digdinad sa mga kasambahay.
Umaasa din si Cruz na ang mga kasambahay sa bansa ay mabibigyan din ng pagkakataong makapag-aral o mabigyan ng pormal na edukasyon.