Puno daming kaanak sa gobyerno
MANILA, Philippines - Nabunyag kahapon ang mga kamag-anakan sa gobyerno ni ex-DILG Usec. Rico Puno sa pamamagitan ng isang ‘anonymous letter’ na ipinadala kay Sen. Miriam Defensor-Santiago.
“Madame senator, please disclose this to the public. Rico Puno has been badmouthing you and your husband Usec Jun. He has been telling incredible tales about you, your husband’s gambling habits, and your alleged anomalous projects and dealings in your husband’s province,” sabi sa sulat.
Una rito ang kaniyang anak na si Romina “Ina” Puno na isa umanong contractual employee sa Bureau of Immigration. Pero ayon kay Puno, personal na nag-aplay sa nasabing posisyon ang kaniyang anak.
Nasa gobyerno rin ang pinsan ni Puno na si Adolfo Escalona na Executive Director ng Road Board. Pero inihayag ni Puno na nag-aplay din ito.
Nasa gobyerno rin ang pamangkin ni Puno na si Marco Puno Santiago na assistant secretary sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) at isang Ma. Angela Escalona Ignacio na commissioner sa isang sub-agency ng Department of Finance.
Kabilang din sa listahan ang kapatid ni Puno na si Patrick Puno na dating VP for Finance and Procurement sa Pagcor. Pero sinabi ni Puno na nagbitiw na ito noong Disyembre 2010.
Itinanggi naman ni Puno ang sinasabi sa sulat na mula sa DILG ililipat siya ng Pangulo sa Bureau of Customs.
- Latest
- Trending