Gun smuggling sa Pinas sumingaw
MANILA, Philippines - Iimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang sumingaw na isyu ng umano’y gun smuggling ng mga armas patungong Indonesia.
Nabulgar ang isyu matapos makumpiska ng Indonesian Police sa engkuwentro kamakailan sa dalawang napatay na terorista sa Sulu City ang isang baril na may tatak ng PNP.
Sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., kasalukuyan ng nakikipagkoordinasyon ang PNP sa kanilang counterpart sa Indonesian Police para maimbestigahan ang serial number ng nasamsam na baril upang malaman kung tunay ito at hindi pineke lang.
“We have a strong coordination with Indonesian National Police particularly in the aspect of terrorism and information sharing,” sabi ni Cerbo upang mabatid ang katotohanan kung nangyayari nga ba ang gun smuggling sa Pilipinas patungo sa Indonesia na isang kaalyado kontra terorismo.
Sa pamamagitan ng serial number ng nasabing armas ay matutukoy umano kung lehitimong galing at miyembro ng PNP ang pinagmulan ng sinasabing armas.
Aminado naman ang mga opisyal ng PNP na maraming mga ‘loose firearms’ o mga baril na walang lisensya ang patuloy na inia-account ng PNP upang hindi magamit sa mga illegal na aktibidades ng mga elementong kriminal.
- Latest
- Trending