MANILA, Philippines - Dinoble ng pamunuan ng US Embassy ang seguridad sa kanilang bisinidad kasunod ng marahas na pag-atake sa tanggapan ng US consulate sa Benghazi, Libya na nagresulta ng pagkamatay ni Ambassador Christopher Stevens noong Setyembre 11 ng gabi.
Nabatid na nagpadagdag ang puwersa ng Manila Police District (MPD) na nagbabantay sa labas ng embahada at pinaigting nila ang seguridad sa loob nito dahil na rin sa posibleng muling pag-atake ng mga terorista lalo na sa mga konsulada ng Amerika sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Mapapansin na nagpakalat ng maraming guwardiya ang embahada sa palibot at nagdagdag ng concrete barriers sa paligid ng gate ng US embassy.
Maging ang pila ng mga nag-aaplay ng US visa ay bahagyang inilayo na rin sa opisina ng konsulada.
Ayon sa ulat, sinalakay ng galit na galit na protesters ang Konsulado ng Amerika bunsod ng sinasabing Anti-Islamic film ng isang US-based Israeli film maker, kung saan diumano ininsulto ang kanilang relihiyon dahil sa ginawang katatawanan si Prophet Muhammad.
Si Stevens ay napatay noong Martes habang lumilikas kasama ang grupo ng empleyado ng embahada matapos paulanan ng bala at bayuhin ng rocket propelled grenades.
Ang paghihigpit ng serguridad ay matapos na bombahin at sunugin ng mga demonstrador ang tanggapan ng Estados Unidos na ikinasawi ni Stevens, information technology Sean Smith at dalawa pang staff ng US embassy.
Bunsod ng pangyayari, naghigpit na rin ng seguridad sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para masiguro na ligtas sa anumang panganib ang mga dumarating at umaalis na pasahero sa mga paliparan.
Hinigpitan na rin ang Phl Embassy sa Libya upang matiyak ang seguridad ng mga nakatalagang diplomat at embassy staff at mga OFWs sa rehiyon.
Nanawagan din ang DFA sa mga Pinoy sa Libya na umiwas sa mga lugar na pinagdadausan ng matitinding kilos-protesta laban sa Amerika.
Kinondena na ni Pangulong Aquino ang naturang pag-atake sa US embassy sa Libya.
Inihayag naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na walang nasaktan na Filipino sa nasabing pag-atake. (May ulat ni Rudy Andal)