Manila, Philippines - Iminungkahi ng isang kongresista sa Mindanao na gawin na lamang isang tourist spot ang pinag-aawayang Spratly Island.
Sinabi ni Davao Rep. Rufus Rodriguez, babawasan niya ng P1 milyon ang kanyang P70 milyong pork barrel para sa nasabing tourist spot at maihanda ang isla para sa mga pupuntang turista dito.
Sabi ni Rodriguez, kailangan aniyang unahin ang paglalagay ng magandang airport at daungan sa isla.
“Put up a hotel, and develop our frontier in our area as a tourist destination. The seas there are very pristine,” sabi ni Rodriguez.
Naniniwala si Rodriguez na mas titibay ang pag-angkin dito ng gobyerno kung magiging tourist destination ito.
Sinabi naman ni Tourism Secretary Ramon Jimenez na mahalagang malaman ni Pangulong Aquino ang anumang balakin bago gumawa ng ganitong mga hakbang.
Nabatid na plano rin umano ng China na gawing tourist spot ang Spratly Islands pero tikom naman ang DFA sa isyu at sinabing hanggat wala pang nakikitang pagkilos ang China na magpapalala sa tensiyon ay hindi pa sila magbibigay ng anumang komento.