AFP bantay-sarado sa 9/11 11th anniversary
MANILA, Philippines – Walang namomonitor na banta ng pag-atake ng mga terorista ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng paggunita ngayong araw ng ika-11 anibersaryo ng terror attack sa Estados Unidos na kumitil ng buhay ng 3,000-katao noong Setyembre 2001.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr.
Sa kabila nito, sinabi ni Burgos na nanatiling vigilante ang intelligence units ng AFP laban sa mga teroristang grupo kabilang ang Jemaah Islamiyah terrorist at ng kaalyadong bandidong Abu Sayyaf na posibleng maghasik ng terorismo.
“We will continue to intensify our intelligence collection effort and our networking with other law enforcement agencies,” pahayag ni Burgos.
Samantala, patuloy naman ang pakikipagkoordinasyon ng Joint Task Force National Capital Region sa National Capital Region Police Office ng PNP kaugnay ng posibleng banta ng terorismo.
Bukod sa JI terrorist at Abu Sayyaf ay bantay-sarado rin ang AFP laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at sa iba pang grupong banta sa pambansang seguridad.
Kaugnay nito, sinabi ni Burgos na hindi magtataas ng alerto ang AFP sa anibersaryo ng 9/11 attacks sa Estados Unidos pero magiging mapagbantay sa lahat ng oras na hiniling din ang kooperasyon ng mga sibilyan sa paglaban sa terorismo.
- Latest
- Trending