MANILA, Philippines – Bumagsak sa mga operatiba ng pulisya ang notoryus na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group sa isinagawang operasyon sa Lamitan City, Basilan kamakalawa.
Kinilala ang nasakoteng suspek na si Hadji Suhuri Askalun Pingli na matagal ng pinaghahanap ng batas kaugnay sa mga kasong kriminal.
Ayon kay Director Manuel Barcena, chief ng Directorate for Police Operations Western Mindanao, bandang alas-8:45 ng umaga nang masakote ng pinagsanib na elemento ng 53rd Special Action Force at ng Lamitan City PNP ang suspek sa pinagtataguan nito.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Basilan Regional Trial Court.
Sa tala, si Pingli ay isa sa mga tauhan ng kilabot na Abu Sayyaf Commander na si Nurhassan Jamiri na aktibong nag-operate sa nasabing lalawigan.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawang cal. 38 revolver, cal.45 pistol at mga bala.
Isinasailalim na sa tactical interrogation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 9 ang suspek.