MANILA, Philippines - Wala pa ring mga plaka ng sasakyan ang Land Transportation para maipagkaloob sa mga bagong sasakyan na irerehistro sa LTO.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Teofilo Guadiz, hepe ng LTO-NCR, ito ngayon ang kanilang problema dahil wala namang naibibigay na plaka sa kanila ang main office ng ahensiya para sa new registrants.
Kamakailan ay nagpalabas ng kautusan si LTO Chief Virgie Torres na nagsasabing maaaring magamit ang mga bagong sasakyan kahit na wala itong plaka.
Salungat naman ito sa “no plate no travel policy” ng anti-carnapping group ng PNP dahil nagagamit ng mga sindikato ang mga sasakyan na walang plaka sa kanilang modus operandi.
Binigyang diin Guadiz na hindi nga nila malaman kung paano mareresolba ang bagay na ito dahil halos lahat ng rehiyon ng ahensiya ay hindi pa rin nabibigyan ng car plates ng LTO main office.
Ang bugso ng mga rehistro ng mga bagong sasakyan laluna ng mga motor ay hindi na-anticipate ni Torres kayat sa ngayon maraming mga bagong sasakyan ay makikitang walang car plates.