Boto sa RH tabla pa lang - Jinggoy
MANILA, Philippines - Kung pagbobotahan sa Senado ang Reproductive Health (RH) Bill lalabas umano na 10 ang pabor at 10 ang kontra, samantalang 3 ang wala pang stand o “undecided”.
Ito ang paniwala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kaugnay sa kontrobersiyal na panukala na nakabinbin pa rin sa Senado.
Ayon kay Estrada, kasama siya sa 3 senador na undecided pa rin pero hindi pinangalanan kung sino pa ang 2 na “undecided”.
“Nasa gitna pa ako. Ang kapa ko ang bilang is 10-10-3 undecided,” sabi ni Estrada sa lingguhang Kapihan sa Senado.
Nauna rito sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na sa tingin niya ay 14 senador ang susuporta sa RH Bill na kinokontra nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto.
Ikinuwento pa ni Estrada na tuwing sila ay nasa Senate Lounge, napapag-usapan ng mga senador ang posibleng maging resulta ng botohan sa RH Bill na sinusuportahan din ng Malacañang.
Nilinaw din ni Estrada na patuloy pa rin ang interpellation sa panukala at walang puwedeng pumigil sa mga senador na nais tumayo para magtanong sa mga nagsusulong nito.
Tatapusin din umano ang “period of amendments” bago magkaroon ng botohan.
- Latest
- Trending