'Walang overpricing sa oil firms'
MANILA, Philippines – Walang nagaganap na “overpricing” sa mga kumpanya ng langis sa bansa base sa limang buwang pag-aaral at pagrebisa sa mga isinumiteng dokumento sa kanila, ayon sa review committee ng Department of Energy (DOE).
Sa pulong balitaan kahapon, iniligtas ni University of the Philippines (UP) professor Benjamin Dikono, pinuno ng Independent Oil Price Review Committee, ang mga kumpanya ng langis sa paggiit na wala talagang overpricing.
Iginiit nito na sumasabay lamang umano ang presyo ng mga produktong petrolyo dito sa Pilipinas sa presyo sa pandaigdigang merkado.
Inihalimbawa pa nito ang mas mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa mga kalapit bansa tulad ng Indonesia at Thailand.
Hindi rin umano masasabi na malaki ang kinikita ng mga oil companies kung saan mas mataas pa umanong kumita ang mga kumpanya ng casino sa bansa kumpara sa mga ito.
Naniniwala din ang independent committee na gumagana naman ang oil deregulation law sa bansa. Patunay umano ang pagtaas ng market share o pagdami ng mga kumpanya ng langis na nag-ooperate simula noong 1998 kung saan umakyat ito sa 25%.
Sinabi pa ni Diokno na lumaki rin ang bilang ng mga retail stations o mga gas stations kung saan nagkakatalo ang presyuhan sa lokasyon ng lugar.
Inirekomenda rin ng independent committee sa DOE na obligahin ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng kanilang financial statement taun-taon para malaman ng publiko ang nangyayaring pagtaas o pagbaba ng mga produktong petrolyo sa bansa.
- Latest
- Trending