MANILA, Philippines – Isang batalyon o kabuuang 500 sundalo ng Philippine Marines ang karagdagang idedeploy sa Palawan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad kaugnay ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang Spratly Islands.
Ayon kay Lt. Col. Neil Estrella, spokesman ng AFP Western Command, kasalukuyan ng isinasapinal ang napipintong pagdedeploy ng karagdagang puwersa ng Marines sa Palawan upang tumulong sa nakadeploy ritong dalawang batalyon.
Kapag nakumpleto na ang deployment ay maglalagay ng karagdagang artillery at armor support units sa lalawigan.
Magkakaroon din ng base ng Marine Brigade sa Puerto Princesa City. Ang isang brigade ay binubuo ng 1,500 hanggang 2,500 tauhan.
Kada isang brigade ay may mga apat na tangke o Armored Personnel Carrier at mga transportasyon at malalakas na kalibre ng armas.