Manila, Philippines - Hindi pa man nag-iinit sa bagong tungkuling nakaatang, mistulang isang hamon agad para kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang pag-aksyon laban sa reklamo sa isang pulis Quezon City na sinasabing sangkot sa landgrabbing at lider ng sindikato ng professional squatters.
Base sa ulat ng University of the Philippines-Diliman police, isang nagngangalang SPO2 Jeofrey Butawan na nakatalaga sa QCPD Station 9 ang sinasabing namuno sa pagsugod sa security office ng UP-Diliman, kasama ang iba pa niyang kapwa pulis noong Miyerkules.
Maituturing na ilegal na pag-okupa ang paglalagay ng bakod sa loteng sakop ng UP-Diliman campus kung saan may mga barung-barong at instrakturang itinayo na sinasabing pinamumunuan ni SPO2 Butawan.
Sa pagsisiyasat ng private security personnel, nagawa nilang malitratuhan ang mga illegal structure at nakapanayam ang ilang indibidwal upang alamin kung sino ang nasa likod ng nasabing ilegal na gawain.
Subalit tikom ang bibig at tumangging magbigay ng pangalan ang mga taong nakausap kung saan habang papaalis na ang mga guwardiya ay bigla silang niratrat ng mga di-kilalang kalalakihan.
Nabatid din na hindi pa man sila nagtatagal matapos makabalik sa kanilang opisina ay pinalibutan sila ng anim na mobile ng QCPD Station 9 kabilang si SPO2 Butawan kung kaya nagkatensyon sa lugar.
Napahupa lamang ang sitwasyon nang dumating si UP Professor Edgardo Dagdag kung saan kinuwestyon nito ang ginawa ng mga QCPD Station 9 men sa security office.
Kaya naman nanawagan ngayon ang pamunuan ng UP-Diliman kay DILG Sec. Roxas na siyasatin ang pangyayari kasabay na rin nang paghahanda sa pagsampa nila ng kaukulang kasong kriminal at administratibo laban kay Butawan at mga kasamahan nito.