Salamat Sec. Jesse - Recom

 Manila, Philippines - Nagpasalamat si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa yumaong Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo dahil sa pagbibigay nito sa lungsod ng seal of good housekeeping.

Ayon kay Echiverri, ang pagbibigay ni Robredo ng naturang pagkilala ay mananati­ling sariwa sa kaisipan ng mga residente at sa pamamagitan din nito ay higit pang paghuhusayin ng alkalde ang kanyang pamamalakad at pagpapaunlad sa kanyang pinamumunuang lungsod.

Sinabi pa ng alkalde na pananatilihin nito ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa kanyang mga kababayan dahil isa itong paraan para kilalanin ang mga nagawang kabutihan ni Robredo sa taumbayan.

Tiniyak din ni Echiverri na hindi malilimutan ng mga taga-Caloocan ang mga kabutihan ni Robredo higit lalo na ang mga nagawa nitong kabutihan noong ito ay naninilbihan pang alkalde ng Naga City hanggang sa maging kalihim ito ng DILG.

“Mananatili sa alaala ng mga taga-Caloocan ang mga kabutihan ni Secretary Robredo at ang ibinigay niyang pagkilala sa aming lungsod ay gagawin naming sandata upang higit pang pagbutihin ang pagbibigay ng serbisyo publiko”, sabi pa ng alkalde.

Matatandaan na noong isang taon nang pagkalooban ni Robredo ng seal of good housekeeping ang Caloocan City bilang isa sa apat na lungsod sa National Capital Region (NCR) na may maayos na pamamalakad.

Dahil sa pagkaka­tang­gap na ito ng pagkilala ng lungsod ay nakakuha din ang Caloocan City ng tulong pinansiyal sa DILG mula sa Local Government Support Fund (LGSF) na ginamit nito sa mga proyekto ng Millennium Development Goal (MDG) at Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 ng national government.

Kabilang sa mga proyektong pinaglaanan ng LGSF ay ang pagbili ng mga bagong medical equipment na ginagamit sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC), pagpapatayo ng dalawang palapag na lying-in center, pagsasaayos ng mga sapa at ang pagdagdag ng mga emergency response equipment.

Bukod sa Caloocan ay kasama rin sa binigyan ni Robredo ng “seal of good housekeeping” sa NCR noong 2011 ang Makati City, Marikina City at Navotas City.

Show comments