1 patay, 2 sugatan sa lindol
MANILA, Philippines - Isang ginang ang nasawi habang sugatan naman ang 5 anyos nitong apong lalaki at isa pang 9-anyos na batang lalaki matapos salantain ng 7.7 magnitude na lindol ang Eastern Samar nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos ang nasawing si Elenita Ubalde, 44, at ang sugatang apo na si Adrian Rosales at si Andrew Mendoza.
Ayon kay Ramos, gumuho ang bahay nina Ubalde matapos ang landslide na dulot ng Intensity IV lindol na tumama naman sa Dacudao compound sa Upper Kolambong, Brgy. Lapasan , Cagayan de Oro City.
Sa inisyal na report ng US Geological Survey, naitala sa 7.9 magnitude ang lindol pero ibinaba ito sa 7.6 magnitude.
Agad na nag-isyu ang Phivolcs ng tsunami alert level 3 pero dakong alas-12:01 ng madaling araw ay tinanggal din ito.
Ang insidente ay nagdulot ng paglikas ng libu-libong residente na malapit sa karagatan ng Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Leyte, Southern Leyte at Surigao del Norte pero kahapon ng umaga ay nagsibalikan na ang mga ito sa kanilang mga tahanan.
Tinaya naman ng Phivolcs na abutin pa ng buwan ang pagkakaroon ng mga aftershocks.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, karaniwan lamang na magkaroon ng matagalang mga aftershocks kapag ganito kalakas ang naganap na pagyanig sa isang lugar. Kahapon, umabot na sa 139 ang aftershocks.
Naitala rin ang maliliit na tsunami na umabot sa 19 cm sa Surigao City.
- Latest
- Trending