Buhay ni Robredo isasama sa kurikulum - DepEd
MANILA, Philippines - Isasama ng pamunuan ng Department of Education (DedEd) sa kurikulum ang naging buhay ng yumaong si DILG Sec. Jesse Robredo.
Ayon kay Education Sec. Armin Luistro, nagpalabas na siya ng module para sa lahat ng eskuwelahan sa buong bansa na isama sa mga subject na Araling Panlipunan at Values Education ang pagtalakay sa buhay ni Robredo.
Sinabi ni Luistro, inatasan na niya ang lahat ng Regional Directors ng DepEd para talakayin ang buhay ng yumaong Kalihim at kung bakit nagluksa ang sambayanang Filipino sa pagpanaw nito.
Sa Araling Panlipunan ay tinatalakay ang good governance at public service ng yumaong Kalihim bilang alkade ng Naga City sa loob ng 19-taon hanggang sa italaga ito ni Pangulong Aquino bilang Sec. ng DILG.
Habang sa Values Education naman ay tinatalakay ang pagpapahalaga ng yumaong Kalihim sa pamilya at pagiging mabuti nitong asawa at ama, at higit sa lahat ang pagiging simpleng tao nito.
Naniniwala si Luistro na sa pamamagitan ng modules para sa naging buhay ni Robredo ay magkakaroon ng social transformation at mamumulat ang mga kabataan sa tapat na pamumuno sa bayan tulad ng ginawa ng yumaong Kalihim.
- Latest
- Trending