Apo ni Ampatuan Sr. timbog!
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation Group ang apo ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., na pang-102 suspect sa Maguindanao massacre matapos matunton ang pinagtataguan nito sa Las Piñas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang nasakoteng si Datu Ulo Ampatuan, may patong sa ulo na P250,000.
Sinabi ni Pagdilao, bandang alas-6:30 ng gabi ng maaresto ng mga elemento ng CIDG’s Detective and Special Operations Division (DSOD) at Anti-Fraud and Commercial Crime Division (AFCCD) ang suspek sa #12 Monina Yllana BF Resort, Las Piñas.
Nasamsam dito ang isang cal.45 pistol na may dalawang magazine.
Ayon kay Pagdilao, positibong itinuro ng mga testigong sumailalim sa imbestigasyon ng PNP-CIDG na si Datu Ulo ay isa sa mga rumatrat sa 57 biktima partikular sa misis ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu na si Genalyn.
Nakatala si Datu Ulo bilang No. 5 sa mga pinaghahanap ng batas kaugnay ng ipinalabas na warrant of arrest sa kasong multiple murder na inisyu ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Branch 221, QC Regional Trial Court.
Ayon kay Pagdilao, halos nasa 50% na sa mga pangunahing suspect sa massacre ang nasasakote at nasa 94 na lamang ang tinutugis pa ng mga awtoridad.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ng National Press Club ang PNP-CIDG sa pagkakaaresto kay Datu Ulo.
Nanawagan din si NPC president Benny Antiporda kay Justice Secretary Leila de Lima para bigyang atensyon ang walang humpay na pagpatay sa mga testigo sa kaso, partikular na yaong nasa kustodiya ng Witness Protection Program.
“Mawawalan ng saysay ang mga pag-arestong ito kung wala nang testigong titindig laban sa ginawang karumal-dumal na krimen ng mga suspek,” idiniin ni Antiporda.
- Latest
- Trending