Senate probe sa kondisyon ng sea, air transport itatakda
MANILA, Philippines - Itatakda ng Senate Committee on Public Services ang imbestigasyon sa kondisyon ng mga aircraft at seacraft sa bansa sa sandaling mailibing na ang namayapang si DILG Secretary Jesse Robredo.
Sinabi ni committee chair Sen. Bong Revilla na bilang respeto sa yumaong kalihim ay hindi muna niya ii-iskedyul ang pagdinig.
Mahalaga aniyang igalang ang pagluluksa ng pamilya ni Sec. Robredo at ang buong sambayanang Filipino.
Una rito, isang resolusyon ang inihain sa Senado na naglalayong paimbestigahan ang kondisyon ng mga sasakyang pandagat at panghimpapawid sa bansa matapos bumagsak ang private plane na sinasakyan ni Robredo.
Ayon sa resolusyon, dapat mabusisi ang kondisyon ng mga pandagat at panghimpapawid na mga sasakyan pribado man o pampubliko upang malaman kung may pangangailangan para gumawa ng bagong batas para masigurado ang kaligtasan ng mga opisyal ng gobyerno at maging ng publiko kapag sila ay naglalakbay sa papawirin at karagatan.
Naniniwala si Revilla na napapanahon ang naturang imbestigasyon para maiwasang maulit ang trahedya na ikinasawi ni Robredo at dalawa pang piloto.
- Latest
- Trending