Sin tax dapat walang paboran - Enrile
MANILA, Philippines - Dapat umanong matiyak na patas at walang papaboran ang “sin tax bill” na isinusulong na sa Senado.
Ito ang sinabi kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile matapos ang pagdinig kahapon sa panukalang batas na naglalayong itaas ang buwis sa alak at sigarilyo.
Naniniwala si Enrile na masyadong dehado ang mga lokal na magsasaka ng tobacco sa sandaling maipasa ang panukala dahil tiyak na mababawasan ang kanilang kita.
“The burden is to the tobacco industry as against the others that are importing some of their raw material eh paano naman yun? Kawawa naman yung aming mga tobacco farmers. During summertime that’s their source of income. Nagtatanim sila ng tobacco,” sabi ni Enrile.
Sinabi rin ni Enrile na dapat ayusin ang ilang mga mali at hindi makatwirang probisyon na nakapaloob sa nasabing panukala.
Hindi rin kumbinsido si Enrile sa sinasabi nina Health Secretary Enrique Ona na maraming namamatay dahil sa paninigarilyo.
“Well sabi nila, maraming namamatay eh meron bang taong palaging mabubuhay dito sa mundong ito? Sila na nga nagbabawas sila ng population sa RH bill, eh bakit ang iniisip nila ngayon ay padamihin ang tao na nasa mundo natin,” sabi ni Enrile.
- Latest
- Trending