Sen. Sotto, naiyak sa kanyang talumpati vs RH Bill

Manila, Philippines -  Napaiyak at naging emosyonal kahapon si Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa kaniyang talumpati laban sa pagpasa ng Reproductive Health (RH) Bill kung saan inalala rin niya ang namatay niyang unang­ anak na lalaki dahil sa paggamit umano ng contraceptives ng kaniyang asawang si Helen Gamboa.

Ayon kay Sotto posibleng nagkataon lang na mismong kahapon kung kailan naka-calendar ang kaniyang “turno en contra” speech ay inaalala naman nila ang pagkamatay ng kaniyang anak na si Vincent Paul na namatay noong Agosto 13, 1975.

Sinabi pa ni Sotto na isang kaibigan ang nagpayo noon sa asawa niyang si Helen na gumamit ng contraceptives matapos ipanganak ang pa­nganay nilang si Romina.

Pero sa kabila umano nang panggamit ng contraceptives ni Helen ay nabuntis pa rin ito.

“Yong anak ko 5 months ni hindi ko nahipo, nahawakan ko patay na. Yong Makati Medial Center walang makitang dahilan kundi yong nagko-contraceptives ang asawa ko,” naiiyak na sabi ni Sotto.

Sinabi pa ni Sotto na tinanong niya noon ang Diyos kung bakit kinakailangang mamatay ng unang anak niyang lalaki at ngayon niya nakuha ang sagot sa pagtutol niya sa RH Bill.

“Kasi pala magiging misyon ko pala ito. Ipag­lalaban ko ang karapatan ng maraming inosenteng bata na kikitilin ang buhay ng bill na ito,” sabi ni Sotto.

Show comments