Bagyong Helen, puntirya ang Northern Luzon
Manila, Philippines - Hindi pa man nakakabangon mula sa pagbaha dulot ng ulan na dala ng habagat, pinaghahanda na naman ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (PAGASA) ang mga residente sa Northern Luzon na siyang puntirya ngayon ng bagyong Helen.
Kahapon ng alas-11:00 ng umaga, si Helen ay namataan ng PAGASA sa layong 550 kilometro ng silangan hilagang silangan ng Casiguran, Aurora taglay ang lakas ng hanging 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 80 kilometro bawat oras.
Si Helen ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 13 kilometro bawat oras . Nakataas ang signal number 1 ng bagyo sa Isabela, Kalinga Apayao, Cagayan, Babuyan, Calayan Group of Islands at Batanes Group of Islands
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa naturang mga lugar na malapit sa tabing ilog at dalisdis ng bundok na maging alerto at mapagmasid sa paligid upang makaiwas sa banta ng flashfloods at landslides.
Ang bagyong Helen ay inaasahang pag-iibayuhin ng habagat na magdudulot ng mga pag-uulan sa Luzon at Visayas.
- Latest
- Trending