MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyanteng Filipino Chinese matapos na tambangan ng riding in tandem na pi naghihinalaang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Jolo, Sulu nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) Western Mindanao Chief P/Director Manuel Barcena ang nasawing biktima na si Cris Yap, residente ng Kasanyangan Villaga sa kapitolyo ng Jolo.
Si Yap ay isang mayamang negosyante sa Jolo na nagmamay-ari ng Chris Enterprise na matatagpuan sa Brgy. Walled City, Jolo ng lalawigan.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Barcena na naganap ang pananambang sa biktima sa gate ng Christian Village, Brgy. Busbus, Jolo, Sulu dakong alas-7:30.
Bigla na lamang umanong sumulpot sa lugar ang mga suspek na riding in tandem at saka pinagbabaril ng sunud-sunod na duguang bumulagta sa insidente.
Nagawa pang maisugod ang biktima sa Integrated Provincial Hospital sa Sulu pero binawian rin ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa tinamong anim na tama ng bala ng cal. 45 pistol.
Lumilitaw sa imbes tigasyon na noong Disyembre 2011 ay pinadalhan umano ng grupo ng mga suspek ang biktima ng extortion letter at hinihingan ito ng P2 milyon at kung hindi ay papatayin nila ito.
Naulit umano ang pagbabanta kamakailan na humantong sa nasabing ambush na ikinamatay ng negosyante. Patuloy ang masusing imbestigasyon sa kasong ito.