GSIS naglaan ng P10-B para sa emergency loan
MANILA, Philippines - Naglaan na ng P10 bilyon ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa pagbibigay ng “emergency loan” sa mga miyembro nitong nabiktima ng bagyong Gener at mga naapektuhan ng baha dulot ng matinding ulan dahil sa habagat.
Sinabi ni GSIS President Robert Vergara na higit sa kalahating milyon nilang miyembro ay nasa mga lugar na tinamaan ng kalamidad. Kabilang dito ang mga lugar na isinailalim sa state of calamity tulad ng National Capital Region, lalawigan ng Cavite, Rizal, Pampanga, Tarlac, Bataan, Zambales, Bulacan at Laguna.
Ibinalita rin ni Vergara na pinaluwag nila ang “terms” ng kanilang loan program upang madaling makakuha nito ang mga nangangailangan nilang miyembro.
Kabilang dito ang pagpapababa sa interes sa 6% buhat sa dating 8%, tinanggal na ang 1% service fee, at pinalawig ang unang pagbabayad sa ikatlong buwan matapos makuha ang loan.
Maaaring makahiram ang kada miyembro ng hanggang P20,000 na maaaring bayaran sa loob ng 36 buwang installment.
- Latest
- Trending