Ambush sa convoy ni PNoy inako ng CPP-NPA
MANILA, Philippines - Inako ng CPP-NPA Bicol na sila ang tumambang sa military at police convoy ni Pangulong Aquino sa pagbisita ng Chief Executive noong Agosto 3 sa bayan ng Pio Duran, Albay.
Sinabi ni Ka Greg Bañares, umano’y tagapagsalita ng grupo, totoong inabangan ng kanilang mga kasama ang convoy ni P-Noy subalit binigyang-diin nito na militar lamang ang kanilang target at hindi ang mga sibilyan na nasa lugar.
Ayon kay Ka Greg, bahagi lamang daw ito ng kanilang pangha-harass at wala silang layunin na saktan ang Pangulo at mga sibilyan na kasama sa convoy.
Kung maaalala, nasa 10 empty shells din ng M16 rifle ang nakuha sa lugar kung saan wala namang napaulat na sugatan sa panig ng militar at kapulisan.
Si Pangulong Aquino ay bumisita sa Albay para personal na iabot ang tulong sa pamilya ng isa sa namatay na sundalo sa madugong bakbakan sa Basilan na ikinasawi ng 10 sundalo at siyam naman sa kampo ng Abu Sayyaf.
- Latest
- Trending