45 na patay kay 'Gener'
MANILA, Philippines - Pumalo na sa 45 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Gener sa bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), nadagdagan ang bilang makaraan ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang 15-anyos na si John Marck Rigueros ng Natubleng, Buguias na nauna nang naiulat na nawawala matapos malunod, at ang apat katao sa isang pamilya na nadaganan ng gumuhong lupa sa Calaluran, Midsalip, Zamboanga del Sur.
Sa kabuuang 45 nasawi, apat katao rito ang inulat na mula sa National Capital Region (NCR), apat sa Cordillera Administrative Region (CAR), apat sa Region 1; siyam sa Region 3; apat sa Region 4-A; tatlo sa Region 4-B; apat sa Region 6; lima sa Region 7; lima sa Region 9; isa sa Region 10; at dalawa sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Aabot sa P222.75 milyon ang halaga ng pinsala ni ‘Gener’ sa agrikultura, P111.56 imprastruktura at P500,000 sa mga pribadong ari-arian.
Umabot din sa 72 lansangan, limang tulay at 7,459 bahay ang nawasak sa kasagsagan ng bagyo. Habang may 190,196 pamilya o 658, 534 katao sa 1,207 barangay sa 150 bayan o 28 na siyudad sa 35 probinsya ang naapektuhan.
Halos isang linggo ding nanalasa ang bagyong Gener bago tuluyang umalis sa Philippine area of responsibility.
- Latest
- Trending