MANILA, Philippines - Mabibigyan na ng pagkakataon ang mga mahihirap subalit matatalinong high school graduates mula sa public schools na makapag-entrance exam ng libre sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang pagbuo ng isang consolidated version ng House Bill 6262 ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara at House Bill 5186 ni Taguig Rep. Sigfrido Tinga.
Ang dalawang panukala ay parehong naglalayong malibre sa pagbabayad ng entrance exam ang karapat-dapat na nagsipagtapos sa high school.
Sa sandaling mapagtibay, kuwalipikado sa pribilehiyong ito ang mahihirap na high school graduates na kabilang sa 10 porsiyento ng pinakamatatalino sa graduating class.
Ayon kay Angara, nakakapanghinayang ang mga matatalino subalit hindi makapag-aral ng kolehiyo dahil kapos sa pananalapi.
Dahil umano sa ganitong sitwason, malaking porsiyento ng labor force ng bansa ay hindi nakapagtapos ng kolehiyo.