MANILA, Philippines - Isang barko na ‘Roll-On-Roll-Off vessel’ ang lumubog sa pananalasa sa bansa ng bagyong Gener kahapon, kung saan ay tatlo katao ang iniulat na nasawi, apat pa ang nawawala at sinuspinde ang klase ng mga estudyante at pasok sa mga opisina.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nabatid na ang M/V Shuttle Roro 1 ay lumubog ganap na alas-7:00 ng gabi sa Looc Bay, Agoho, Romblon makaraang hampasin ng malalaking alon.
Isa sa mga pasahero ng barko na nakilalang si Ernest Flores, 60, ay nasawi sa trahedya habang nailigtas naman ang 57 pang pasahero.
Nagdeklara umano ang kapitan ng barko na si Captain Eric Solideo ng ‘abandon ship” matapos na pumasok ang maraming tubig at agad na nakapagsagawa ng distress call na natanggap naman ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard kaya nailigtas ang iba pang pasahero ng barko habang si Flores ay nasawi.
Samantala, nalunod at nasawi rin sa pananalasa ng bagyong ‘Gener’ si Ronald Necor, 33, ng Bungasong, Antique at isang hindi pa nakikilalang biktima na nadaganan naman ng nabuwal na punongkahoy sa San Pablo, Laguna.
Apat namang mangingisda ang iniulat na nawawala sa Sablayan, Occidental Mindoro na ngayon ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.
Dahilan din sa malalakas na pag-ulan at mga pagbaha, sinuspinde ng mga lokal na pamahalaan ang mga klase sa lahat ng antas na kinabibilangan ng pampubliko at pribadong eskuwelahan, gayundin ang pasok ng mga empleyado sa kanilang mga opisina at maging ang ilang biyahe ng mga eroplano ay kinansela rin.
Libu-libong pamilya naman mula sa Region III, IV-A (CALABARZON), IV-B (MIMAROPA) at Region VI ang inilikas sa mga ligtas na lugar bunsod ng mga pagbaha at pagguho ng lupa na hatid ng bagyong ‘Gener’.
Nagkaroon naman ng malawakang blackout sa bahagi ng Visayas, Luzon, ilang parte ng Metro Manila, lalawigan ng Rizal at Cavite dulot din ng bagyo.
Nakataas pa rin ang public storm signal No.2 sa Cagayan, Calayan, Babuyan at Batanes Group of Island habang signal No.1 naman sa Isabela, Kalinga at Apayao.
Ang bagyong ‘Gener’ ay inaasahang magpapalakas pa ng southwest monsoon na magdudulot ng malalakas na pag-ulan at hangin sa Luzon at Visayas partikular na sa kanlurang bahagi ng bansa.