MANILA, Philippines - Makaraang mabigla sa dami ng motorcycle helmet na nakalusot sa kanilang pagsusuri, mag-iikot na sa mga pamilihan ang mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na pawang may “ICC/PS mark” na ang mga itinitindang helmet.
Sinabi ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na sila na mismo ang mag-iinspeksyon sa mga ibinibentang helmet at maglalagay ng mga “import commodity clearance/product standards stickers” sa mga produktong mapapatunayan nilang orihinal at pumasa sa kanilang pamantayan.
Magpapaskil rin sila sa mga tindahan ng mga paalala kung anong mga uri at brand ng motorcycle helmet ang pumasa sa kanilang pamantayan at ligtas na gamitin.
Paraan rin umano nila ito para hindi na maloko ang mga motorcycle riders sa mga peke at mababang kalidad na mga helmet at umiwas na rin ang mga negosyante sa pagbebenta ng mga ito.
Bukod sa apat na sangay nila sa Metro Manila, magsagawa na rin ng inspeksyon at ICC marking sa mga helmet sa Rizal Memorial Stadium.
Pinalawig ng DTI ang inspeksyon at marking hanggang Disyembre 31 makaraang magulat sa dami ng helmet na walang ICC/markings na nakalusot sa kanilang pagsusuri base sa napakahabang pila sa kanilang mga sangay.