MANILA, Philippines - Tinawag na ignorante ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang mga tagapagsalita ng Malacañang dahil sa paghuhugas kamay sa dumaraming kaso ng human rights violations sa bansa.
Ayon kay Atty. Edre Olalia, secretary general ng NUPL, para ding nagdo-doble kara ang mga taga Palasyo sa pagdistansiya sa responsibilidad sa human rights cases at ikinakatwiran pa ang separation of powers ng mga sangay ng gobyerno.
Anya, dapat umanong bumaba sa kanilang ivory tower ang mga tagapagsalita ni PNoy para mamulat sa katotohanan sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi pa ni Olalia na hindi tamang ipasa ng Malacañang sa korte kung bakit hindi natatapos ang serye ng human rights cases dahil hawak naman ng ehekutibo ang lahat ng police, investigative at prosecutor agencies.
Sa panig naman ni Vencer Crisostomo, chairman ng grupong Anakbayan, tinawag nitong imbecile si Secretary Ricky Carandang dahil sa depensa na walang kinalaman ang military sa maraming kaso ng extra judicial killing sa ilalim ng Aquino administration.
Dapat anyang magpunta si Carandang sa liblib na lugar para malaman nito kung paano umaabuso ang mga sundalo.