MANILA, Philippines - Malaya na ang dating Pangulo na ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) matapos na bayaran ang piyansang P1-milyon sa kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) branch 112 kahapon ng hapon.
Ganap na alas-2:30 ng hapon nang maihatid ang “release order” ni GMA sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kung saan siya naka-hospital arrest.
Sa resolusyong inilabas ni Judge Jesus Mupas, pinayagan nito na makapagpiyansa si Arroyo makaraang mabigo ang Commission on Elections prosecution panel na maiharap ang isa nilang testigo na si dating Maguindanao election officer Russam Mabang na sinasabing importante umano ang ibibigay na testimonya.
Ibinasura naman ng korte ang mosyon para makapagpiyansa ng kapwa akusado na si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at Maguindanao election supervisor Lintang Bedol habang nakatakdang dinggin pa ang motion to bail naman ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr.
Sinabi naman ni Branch 112 clerk of court Felda Domingo na maaaring maghain ng “motion for reconsideration” ang Comelec prosecutors ngunit hindi nito mapipigilan ang implementasyon ng “release order”.
Sa kabila ng pansamantalang kalayaan, nilinaw ni Domingo na hindi maaaring makalabas ng bansa si Arroyo habang dinidinig ang kanyang kaso at hindi pa napapawalang-sala.
Samantala, iginiit naman ng Malacañang na ang pagpayag ng korte na makapaglagak ng piyansa ang dating Pangulong GMA sa electoral sabotage case nito ay patunay lamang na ‘independent’ ang judiciary at walang katotohanan na kontrolado ito ng gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, pinatunayan lamang nito na mali ang mga kritiko ni Pangulong Benigno Aquino III na ‘hawak’ nito ang mga korte makaraang payagan ng Pasay RTC si GMA na mag-piyansa at makauwi sa kanilang tahanan sa La-Vista, Quezon City.
Masayang sinalubong si GMA ng kanyang mga anak, mga apo, malalapit na kaibigan at mga kaalyado sa pulitika.
Bago umuwi sa La Vista, dumaan muna si Gng. Arroyo sa chapel ng ospital para taimtim na magdasal at magpasalamat sa pansamantalang paglaya.