Broker, Customs employee nasa 'hot water'
MANILA, Philippines - Nasa “hot water” ngayon ang isang broker at isang kawani ng Bureau of Customs (BoC) matapos umanong masangkot ang mga ito sa ilang anomalya sa ahensiya.
Pinaiimbestigahan na ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sina Danny Ngo, isang broker at Bobbit Borja, kawani naman ng naturang ahensiya.
Ayon sa ilang intelligence report na nakarating sa tanggapan ni Biazon, sina Ngo at Borja ay binigyan umano ng halagang P5.2 million ng mga importer na nakabase sa Dagupan, Divisoria, kapalit na mailalabas umano ng mga ito ang mga imported na sako-sakong mga bigas.
Subalit, napag-alaman na “sinunog” umano nina Ngo at Borja ang nasabing halaga at kamakailan lamang ay nasakote ng mga tauhan ni Biazon ang 90 units 40-footer container van na naglalaman ng 420,000 sakong mga imported na bigas sa port ng Subic.
Base sa record ng BoC, si Borja ay tauhan umano ni dating BoC Commissioner Angelito Alvarez, na ang position ay clerk.
Nang maalis si Alvarez bilang BoC commissioner, nailipat sa ibang departamento si Borja at ito ay naging Customs police.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng BoC kung ano ang mga kaukulang kasong isasampa kina Ngo at Borja.
- Latest
- Trending