MANILA, Philippines - Kumpirmadong nagpositibo sa enterovirus 71 ang isang taon at pitong buwang gulang na sanggol na lalaki mula sa Davao City.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, walong specimen ang ipinasuri nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) mula Hulyo 10-14 kung saan anim sa walo ay mula sa Calabarzon habang dalawa ang galing sa Davao.
Anim umano sa mga ito ang unang nagpositibo sa sakit sa isinagawang screening ngunit malaunan ay isa lamang sa kanila ang nakumpirmang positibo sa EV-71.
Ani Ona, walang history na lumabas ng bansa ang bata. Maayos na ang kondisyon ng bata at nakarekober na ito sa karamdaman.
Nilinaw din nito na hindi nahawa ang pamilya ng bata sa sakit maging ang mga residente sa kanilang barangay.
Nakitaan ng lagnat, rashes sa kamay, labi at buttocks ang bata bago pa natukoy na mayroon itong EV-71.
Agad namang pinawi ni Ona ang pangamba ng publiko at ipinaliwanag na mild case lamang ito at hindi katulad ng naitalang deadly virus sa Cambodia na kumitil sa 55 buhay.