Charity wards tuloy - DOH

MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni Health Secretary Enrique T. Ona na tuluy-tuloy ang serbisyo ng mga gobyernong ospital para sa cha­rity patients taliwas sa na­unang napabalita na aalisin na ang serbisyong medikal para sa mahihirap.

Kung walang pambayad ang pasyente, ta­tanggapin pa rin sila ng pampublikong ospital. Libre pa rin ang kama at serbisyo ng mga doktor,” ani Secretary Ona.

Ayon kay Sec. Ona, naglaan na ng P12 bilyon ang pamahalaang Aquino para sa pagbibigay ng PhilHealth card sa 5.2 milyong pamilyang mahihirap. At dahil marami nang mahihirap ang may PhilHealth cards, papa­damihin din ang mga PhilHealth beds sa mga ospital para matulungan sila.

“Ito ang layunin ng Ka­lusugang Pangkalahatan. Ibig nating ma-enroll ang lahat ng Pilipino sa PhilHealth. Sa ngayon, may 85% na ng bansa o 82 milyong Pilipino na ang covered ng PhilHealth,” pahayag pa ng kalihim.

Ayon naman kay Greg Rulloda, spokesman ng PhilHealth, kapag miyembro ng PhilHealth, sakop na ang pagpapa-ospital ng iyong asawa, mga anak na edad 21 pababa, mga magulang na edad 60 pataas. At para sa 5.2 milyong pamilyang mahihirap, sagot na ng gobyerno ang pagbayad sa inyong premium.

Bukod sa pagbibigay ng libreng PhilHealth sa mahihirap, naumpisahan na rin ng DOH ang pagpapaganda ng mga gobyernong ospital. Kamakailan, may pitong makabagong CT Scan, ultrasound ma­chine at apat na X-ray machine ang nabili na ng DOH para ilagay sa mga gobyernong ospital na wala nito. Bukod dito, may siyam na ultrasound machine pa ang nasa pro­seso ng bidding.

“Malaki ang tulong nitong mga high-tech na gamit para matukoy ang sakit ng pasyente, tulad ng stroke, kanser at mga bukol sa katawan,” wika naman ni DOH Usec. Ted Herbosa.

May 1,572 gobyernong ospital sa bansa at 72 ospital ay nasa direktang pa­mamahala ng DOH, tulad ng Jose Reyes Memorial Medical Center, Quirino Medical Center at East Ave­nue Medical Center.

Show comments