MANILA, Philippines - Pinalagan ni Navotas Congressman at United Nationalist Alliance Secretary-General Toby Tiangco ang napaulat na pangmamaliit umano ng ilang miyembro ng makaadministrasyong Liberal Party sa UNA.
Idiniin ni Tiangco na nananatiling prayoridad ng UNA ang mga lokal na lider.
“Lahat ng pulitika ay lokal. Ang mga lokal na kandidato ang maghahatid ng mga boto para sa mga pambansang kandidato. Hindi namin isasakripisyo ang aming mga lokal na lider at kandidato para lang maipakita ang pambansang lakas nito sa pamamagitan ng bilang ng mga miyembro,” paliwanag niya.
Sinabi pa ng mambabatas na sinisikap ng UNA na hindi maging marahas o pabigla-bigla kaya limitado lang ito sa dalawang pambansang partido.
Mas higit anyang pinahahalagahan nila ang katapatan ng kanilang mga lokal na lider.
“Ang dalawang partidong ito, PMP at PDP-Laban, ay magkatuwang na sa lahat ng eleksyon mula noong 2001. Kahit si Senador Marcos ay nagpahayag ng kanyang pag-aalala na siya ring sentimento ng mga lokal na lider,” dagdag niya.
Binanggit pa ni Tiangco na hindi magmamadali ang UNA. Sinabi pa niya na kanilang tatanggapin ang mga miyembro ng LP-NP-NPC na hindi masaya rito. “Pero lagi naming prayoridad ang mga nagtrabaho nang matagal sa amin,” pagtatapos niya.