MANILA, Philippines - Basta huwag lamang magme-makeup, magsusuot ng damit pambabae, kikilos ng malaswa tulad ng pagkembot, bukas ang Philippine Military Academy (PMA) sa mga miyembro ng 3rd sex lalo na sa mga bading.
Nilinaw ni PMA Supt. Major Gen. Nonato Alfredo Peralta Jr. na hindi ipinagbabawal ang pagpasok ng mga bading sa PMA.
Sa hanay naman ng mga kadeteng babae ay hindi naman umaani ng pagkuwestiyon ang pagiging tomboy ng mga ito dahil sa hirap ng pagsasanay ay nagiging ‘tomboyish look’ na ang mga ito.
Simula sa Agosto 26 ng taong ito ay isasagawa ang PMA Entrance Examination sa 37 examination centers sa buong bansa. Sa taon ring ito sisimulan ng PMA ang pagtanggap ng mga pandak na aplikante na may taas na 5’0 para sa babae at lalaki kumpara sa dating taas na 5’2 sa babae at 5’4 sa lalaki.
Bukas rin ang PMA sa mga banyaga para pumasok sa akademya kung saan nasa 46 na ang foreigners na nagsipagtapos sa PMA umpisa noong dekada 80.