Manila, Philippines - Kinondena ng mga militanteng manggagawa ang pagsuspinde ng gobyerno sa pagkakaloob ng prangkisa ng Pantranco sa ibang bus company kung saan ang bayad sa prangkisa ay kabayaran naman sa mga manggagawang naghahabol.
Ayon sa dating mga empleyado ng Pantranco North Express, Inc. kontrolado ng pamahalaan ang bus company noong 80’s kung saan ang paghahabol nila sa benta ng prangkisa nito ay mandamiyento ng desisyon ng National Labor Relations Commission pabor sa kanila.
Subalit noong isang linggo, sinuspinde ni Transportation and Communications Secretary Mar Roxas ang pagkakaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Pantranco franchises sa pribadong buyer at kinuwestiyon ang legalidad ng hakbang.
Ayon kay Elmer “Bong” Labog, Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson, ang franchises ay siya lamang natitirang asset ng Pantranco na tutupad sa 20 taon nang desisyon ng NLRC na bayaran ang mga manggagawa.
Umaabot sa 2,000 manggagawa ng Pantranco Employees’ Association (PEA) at Pantranco Retrenched Employees’ Association (PANREA) ang naghahabol dahil kulang umano ang kabayaran sa separation pay at ibang mga benepisyo ng manggagawa.
Karamihan umano sa dating workers ng Pantranco ay matanda na ang iba ay pumanaw na sa gitna ng pakikipaglaban para makamit ang hustisya.